Isa sa mga tradisyon nating mga katolikong pinoy ang simbang gabi tuwing sasapit ang pasko. At kahit saang lugar na kung saan matatagpuan ang malaking kummunidad ng mga pinoy ay dala dala pa rin ang tradisyong ito. Sa paglipas ng panahon, iba-iba na ang pagdiriwang nito. Nariyan na ang pagsasabit ng mga parol kasama ang nakakamanghang liwanag ng mga iba’t-ibang makulay na ilaw nito. Bilang isang pinoy ang pasko ay hindi kumpleto kung wala ang Simbang Gabi o Misa De Gallo.
Dito sa Singapore, nagsimula na kagabi ang selebrasyon ng siyam na novena para sa poong birhen na si Maria o mas kilalang tawag na Simbang Gabi. Bagama’t hindi ako nakapunta sa unang gabi sa kadahilanang nagkasabay ang selebrasyon ng aming Christmas Party ay pinilit ko namang makapunta ngayong pangalawang araw. Para sa mga tulad kong mahilig lumaboy sigurado akong magugustuhan mo ang makipagdiwang ng simbang gabi dito kasi sa siyam na araw ng misa de gallo ay iba’t-ibang simbahan ito gaganapin. Hindi katulad sa atin na sa isang simbahan ay pinagdiriwang ang siyam na araw na simbang gabi. Kaya nasabi ko kanina na magugustuhan ng mga palaboy na tulad ko ang simbang gabi dito kasi sa iba’t-ibang parte ng Singapore ginaganap ang simbang gabi bawat araw. At walang mauulit na simbahan, kaya kung gusto mong mamasyal sa iba’t-ibang parokya dito aba eh halika na at samahan mo ako. Isang pagsubok nga lang ito kasi yung mga ibang parokya ay sobrang layo sa aking tinitirhan bagamat ganun pa man ay sisikapin kong hindi ito hadlang para hindi ako makapunta.
Pagpasok ko kanina sa simbahan, bigla akong nasiyahan kasi kahit saang anggulo ka tumingin ay puro pinoy ang makikita mo. Isa lang ito sa mga sensyales na miss ko na talaga ang pilipinas. Sobrang dami ng tao talaga at sa katunayan nga naubusan pa ng Hostiya kaninang kumuniyon sa sorbang dami ng mga pinoy na nagsipagdalo. Hehehe. Ang choir ay mga pinoy din kaya nakakadagdag saya din at ang unang kanta nilang pamasko ay medley song, pinangunahan ng kantang latin na Adeste Fideles tapos sinundan ng O Come All Ye Faithful. Sa kauna-unahang pagkakataon ngayon ko lang naramdaman na pasko na nga kasi dito hindi mo talaga madaraman ang pasko kasi parang ordinaryo lang na araw ang Christmas season sa bansang ito. Mabuti na lang meron ang tradisyon na ito para sa aming mga pinoy na wala sa pilipinas. Dalawang pari ang nanguna sa selebrasyon kanina, si Padre Angel (pinoy na pari) at isang Obispo (nakalimutan ko ang pangalan, chinese kasi, hehehe). Pinakilala ni Padre Anghel sa amin ang Obispo at sinabi ang dahilan kung bakit gusto nyang makisalo sa selebrasyon ng misa, kasi daw gusto nya makita kung gaano karami ang kummunidad ng pinoy dito at hindi sya bigo kasi sobrang dami nga talaga. Maraming misa na rin ang nadaluhan ko dito pero iba pa rin talaga ang selebrasyon nating mga pinoy kasi mararamdaman mo ang galak, saya at buhay na buhay talaga.
Sa sobrang galak ko kanina, hindi ko naiwasang tumingin at mag-observe. Sa bandang harap ko at may magkasintahan pero hindi ko alam kung yung lalaki eh sumama lang ba para samahan ang kanyang girlfriend o gustong makisalo sa misa – eh kasi ba naman wala ng inatupag kundi ang magpacute sa girlfriend nya tapos paypayan sya pero nakaaircon naman ang buong simbahan, haaay, panginoon patawarin mo po sila at hindi nila alam ang ginagawa nila (isama nyo na rin po ako kasi hindi ako nakapagconcentrate kanina
.. ). Syempre hindi ko rin naiwasang magsight-seeing, eto na yung panamalaking pinoy gathering na napuntahan ko mula nung mapadpad ako sa bandang ito. Sobrang daming gerls at gaganda pa, hihihi. Pramis saglit lang talaga ako tumingin kasi nasa simbahan ako. Kailangan ng control syempre. hehehe. Bawi na lang ako pagdating ko sa pinas. Iba pa rin talaga ang byuti ng pinay eh. Aysus nalayo na ako, mabalik tayo.
Ang pangwakas na kanta na inawit ng mga choir ay Ang Pasko ay Sumapit. Hindi ko na pinigilan ang sarili ko, kahit sintonado ang boses ko halla kanta. hahaha. Kung sa pinalipas eh mayroong nagbebenta ng mga puto bombomg, kutsinta, pansit, taho at maraming pang iba dito naman eh may libreng pagkain with matching arrozcaldo na inihanda ng mga kumunidad ng mga pilipino. Syempre libreng chibog yun, papahuli ba naman ako! Ang masaklap nga lang, ang mga ibang pinoy ay dala rin nila ang ugaling madugas at sobrang daming kinuhang pagkain kaya ayun ang mga nahuli sa pila ay wala ng pagkain. Kaya bukas bibilisan ko ng makipila at baka maubusan pa ako. hahaha.
Bata pa ako nakagawian ko na talaga dumalo sa simbang gabi at maraming beses ko na ring nakumpleto. Sabi nga nila pwede ka magwish ‘pag nakumpleto mo eh. Ganun pa man, hindi naman ito ang dahilan kung bakit mayroon simbang gabi sa ating mga pinoy, sana ‘wag nating kalimutan na ang panahong ito ay nakalaan para makakasama natin ang mga pamilya natin at mga mahal sa buhay at higit sa lahat para salubungin ang nalalapit na kaarawan ng ating panginoong Hesus.