Nagsimula na ring lumakas ang simoy ng hangin dito sa Singapore. At sa bawat dampi ng hangin na dumadaploy sa aking pisngi tila bang nagsasabi at nagpapaalala na kailangan ko ng umuwe. Medyo matagal tagal ko na rin akong nagtratrabaho dito, mahigit anim na buwan na rin ang nakalipas. Ngayong pasapit na ang pasko, ang hangin ay isa sa mga nagpapahiwatig sa akin na ang espiritu ng pasko ay nariyan na. At sa kauna-unahang pagkakataon, ngayon lang ako magdaraos ng pasko sa malayong bansa ngunit ganun pa man alam ko masaya pa rin naman ang aking noche buena kasi kahit siguro saan man ako mapadpad – ang mga mahal ko sa buhay eh nandyan pa rin nman na nag-alala sa akin.
Gustong-gusto ko talaga kapag dumarating na ang hanging amihan. Ang sarap kasi ng pakiramdam kahit pa tumatagos sa kalamnan at buto-butohan ang kanyang lamig. Idagdag pa rito ang tilang kakayahan nyang ipilit dalhin ang mga lungkot at problemang aking nararamdaman. Parang binubulong nya sa kanyang mga haplos na laging may pag-asa basta ituon lng ang buong attention sa mga bagay na gagawin. Na kahit gaano kataas ang pangarap ay pwedeng-pwedeng abutin basta may puso at dedication. Ang hangin ang nagpapaalala sa akin para dapat laging malakas at ituloy ang hamon sa mga pagsubok na dumarating sa aking buhay.
Tandang-tada ko pa noong bata pa ako na kapag lumalakas na ang hangin tuwing dapit hapon ay gumagawa kami ng saranggula ng aking mga kababata. Pagkatapos didiretso na kami sa bukid para magpataasan ng lipad ng aming simpleng saranggula na gawa sa kawayan at supot ng semento. Isa lang ito sa mga kaligayahan na naidudulot sa akin tuwing malakas ang hangin. Simpleng bagay ngunit tunay at batid ang kaligayahan kanyang hatid.
Minsan sa buhay natin may iba’t ibang klaseng hangin na ating makakasalamuha. May mabangis, may maamo, may malakas, may mahina at marami pang iba ngunit nasa atin na kung paano natin ito haharapin. Para sa akin, ang hangin ay isa lang sa mga pagsubok para malaman natin kung gaano tayo katatag. Nasa atin na lang kung paano natin haharapin. Kung minsan parang gusto ko nga maging isang hangin sa hindi ko mawaring dahilan basta ang alam ko masaya ako kapag malakas ang hangin sa aking kapaligiran.